Ang epiko ay isang mahabang tulang pasalaysay na nagkukwento tungkol sa kabayanihan, paglalakbay, pakikipaglaban, at pagtatagumpay ng pangunahing tauhan.
MGA KATANGIAN NG EPIKO
1. Ang (mga) pangunahing tauhan sa epiko ay galing sa maharlikang angkan gaya ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, duke, o duchesa.
2. Maaari din naman na ang (mga) pangunahing tauhan ay kasali sa lipi ng mga diyos o diyosa at nagtataglay sila ng kapangyarihan.
3. Ang (mga) pangunahing tauhan ay mayroong mga katangian na higit sa ordinaryong tao tulad ng:
lubos na makisig/maganda
tanyag sa lahat ng mga nasasakupan
Ubod ng galing
may di kapani-paniwalang lakas
may nakamamanghang kapangyarihan
may alagang hayop na may kapangyarihan
May napakabusilak na kalooban
4. Naglalakbay ang pangunahing tauhan upang makahanap ng mapapangasawa.
5. Nakakakilala o nakakalaban ng pangunahing tauhan ang mga nilalang na mayroong mga supernatural na kapangyarihan o katangian.
6. Mayroong elemento ng kababalaghan at mahika ang epiko.
7. Ang mga kaganapan ay halos hindi kapani-paniwala dahil sa mga tagpuang makababalaghan.
8. Sa huli, ang pangunahing tauhan ay palaging nagtatagumpay sa lahat ng labanan at pagsubok.
Ilan sa mga kilalang epiko sa mundo:
Iliad at Odyssey (Gresya)
Ramayana (India)
Beowulf (Inglatera)
Ilan sa mga tanyag na epiko ng Pilipinas:
▪ Biag ni Lam-ang - (Epiko ng mga taga Ilokano)
▪ Labaw Donggon - (Epiko ng taga Panay)
PRINSIPE BANTUGAN (EPIKO)
Si Bantugan ay isang prinsipe sa kaharian ng Bumbaran. Siya ay kapatid ni haring Madali na hari naman sa kaharian ng Bumbaran.
Siya ay kilala na makisig at sobrang matapang kaya marami ang nagkakagustong dalaga na siya ay maging asawa. Dahil dito ay madalas na mainggit ang kanyang kapatid na si haring Madali sa kanya.
Nang dahil sa inggit ay gumawa ng panibagong utos ang haring Madali na bawal kausapin si Prinsipe Bantugan at kung sino man ang lumabag sa kautusang ito ay magkakaroon ng parusang kamatayan.
Nang dahil sa panibagong utos ng haring Madali ay naging malungkot si prinsipe Bantugan at ito ay nagpasyang umalis na lamang ng kanilang kaharian.
Dala ng labis na kalungkutan, pagod at gutom ay nagkaroon siya ng malubhang sakit hanggang tuluyan siyang mawalan ng buhay.
Si prinsipe Bantugan ay namatay sa pintuan ng kaharian na nasa pagitan ng dalawang dagat na pinamumunuan ni Haring Rito at ng kanyang kapatid na babaeng si prinsesa Datimbang. Sila ay naguguluhan dahil hindi nila kilala ang namatay na prinsipe.
Kaya ang mga ito ay tumawag sa mga pulo ng mga tagapayo habang tinitingnan ang namatay na prinsipe.
May isang ibon na loro ang pumasok at nagsabi na ang namatay ay si prinsipe Bantugan na nagmula sa Bumbaran. Agad itong inutusan ng prinsesa na ibalita sa hari ng Bumbaran ang sinapit ng kawawang prinsipe.
Nang mabalitaan ni haring Madali ang nangyari kay Prinsipe Bantugan siya ay lubos na nalungkot at ito ay agad na pumunta sa langit upang bawiin ang kaluluwa ng prinsipe.
Kinalaban niya ang isang napakabagsik na dragon na bumubuga ng apoy hanggang sa mapatay ito upang makuha ang garapon na naglalaman ng kaluluwa ng prinsipe.
Pagkakuha ng garapon ng kaluluwa ay dali-dali itong bumalik sa kalupaan upang muling ibalik sa katawan ng prinsipe.
Habang dala ng hari ang kaluluwa ng prinsipe, dala naman ng prinsesa Datimbang ang katawan ni prinsipe Bantugan. Doon, pinagsanib nila ang kaluluwa at katawan ng prinsipe at muli itong nabuhay.
Samantala, lubos na nasiyahan sa balitang namatay na si prinsipe Bantugan si haring Miskoyaw. Siya ang mahigpit na kalaban ng Bumbaran.
Sa pag-aakalang tuluyan nang pumanaw si prinsipe Bantugan ay nilusob nila ang kaharian ng Bumbaran upang sakupin.
Lumaban si prinsipe Bantugan sa mga kaaway ng kanilang kaharian ngunit dahil kababalik pa lamang niya mula sa kamatayan ay nanghihina pa siya dahil dito siya ay nabihag at nahuli ng mga kaaway. Ginapos siya ng mga kaaway at dinala sa kanilang kaharian nang mahinang-mahina pa.
Subalit nang magbalik na ang dati niyang lakas ay agad niyang natalo ang mga ito at tuluyang nailigtas muli ang kaharian ng Bumbaran mula sa mga kaaway.
Nang ganap nang nailigtas ang Bumbaran mula sa pananakop ni haring Miskoyaw, tinuloy nila ang kanilang pagdiriwang. Dahil sa mga pangyayari ay nagsimula nang mawala ang pagkaingit ni haring Madali sa kanyang kapatid na si prinsipeng Bantugan.
Dinalaw ng prinsipe si prinsesa Datimbang at kanya itong pinasalamatan. Niyaya din niya itong pakasalan at isinama pabalik ng kaharian ng Bumbaran. Buong puso naman itong tinatangap ni Haring Madali.
Simula noon ay ganap nang naging maligaya at mapayapa ang buong kaharian ng Bumbaran.