#tumuloy
Mula sa “Desiderata” ni Max Ehrmann (1872-1945)
“TUMULOY”
Tumuloy ng mahinahon,
Sa gitna man ng ingay at kahog
At tandaan; may kapayapaan
Na bunga ng katahimikan.
Hangga’t maari, ang lahat ng tao
Hindi man santohin ay unawain mo.
Sabihin ang totoo nang walang sigaw
At nang buong linaw;
At pakinggan din ang saysay ng iba,
Maging sino pa man.
Iwasan ang mga taong
Hambog at mapusok,
Dulot lamang nila ay ligalig sa puso.
At kung sarili ay ihahambing pa sa iba,
Baka mainggit ka lamang o kaya ay yumabang;
Dahil mayroong taong higit pa
O kaya ay kulang pa kaysa sa iyo.
Ipagpasalamat ang iyong mga narating,
At paghandaan ang mga tutunguhin.
Ang iyong okupasyon payak man, mahalin
Tunay mo itong mapanghahawakan,
Magbagu-bago man ang panahon.
Imulat ang mga mata sa paghahanap-buhay;
Dahil sa mundong ito ay may pagkukunwari rin.
Ngunit ‘wag naming ipikit ang mga mata sa buti ng tao;
Maraming yumayakap sa mabuting prinsipyo,
At sa bawat panig ng mundo ay may magiting.
Magpakatotoo.
Higit sa lahat, huwag magkunwari sa pag-ibig.
Huwag din naming magduda rito;
Dahil ang pag-ibig, abutin man ng tag-tuyot,
Ay sumisibol muli tulad ng luntiang damo.
Pakinggan ang payo ng panahon,
Isuko man ang ilan sa aliw ng kabataan.
Patibayin ang loob sa paghahalo
Ng tagumpay at kasawian.
Ngunit huwag sumuko sa labis na pangamba.
Maraming takot ay dulot lamang ng pagod at lungkot.
Disiplinahin ang sarili,
At, bukod doon, sarili ay mahalin.
Ikaw ay lalang ng sanlibutan
Gaya ng mga puno at mga bituin;
Marapat kang magpatuloy rito.
Ang sanlibutan ay nagpapatuloy kasabay mo.
Kaya makiharap ka sa Diyos,
Anuman ang pagkakilala mo sa Kanya.
At ano man ang iyong mithiin at tunguhin,
Sa gitna ng ingay o gulo ng buhay,
Kapayapaan ang iyong isaloob.
Sa kabila ng ilan mang pagkukuwarari, pagkabagot,
At pagguho ng ilang pangarap,
Maganda pa rin ang ating daigdig.
Matuwa ka.
Magpakaligaya.
© Salin at Bigkas: Benito M. Pacheco, Ph.D.
Larawan: Carl Anthony P. Castueras
Musika: John Heris P. Suarez